-- Advertisements --

Lumobo na sa 10,000 ang kumpirmadong kaso ng Ebola virus sa Democratic Republic of Congo, ayon sa pamahalaan nito ngayong Martes, Oktubre 27.

Habang patuloy na kinokontra ng pamahalaan ng Congo ang patuloy na pagdami ng mga nahahawa, naitala sa kasaysayan ang pinakamabilis na pagdami ng mga nagkaksakit nito na umabot sa 10,060 na kaso, ayon sa Ministry of Health nito.

Batay pa sa datos, halos kalahati ng mga kumpirmadong kaso anila ang nasawi sa nasabing sakit, kung saan naitala rin ang pinakamalubhang outbreak ng nasabing virus sa kasaysayan ng Congo.

Ang nasabing outbreak na nagsimula nitong Mayo ng taon ay dulot ng pambihirang Bundibugyo virus, isang variant ng Ebola na wala pang kaakibat na bakuna o pangontra.

Bagama’t patuloy na tinutugunan ng Congo ang pagdami ng kaso ng virus, tila hirap nitong labanan ang paglaganap ng sakit bunsod ng ilan pang mga suliraning kinahaharap ng bansa tulad ng masamang kalagayan ng mga kalsada nito, mga ulat ng armadong tensyon, at maging ang misinformation.

Mula sa tatlong probinsya ng Congo, umabot sa walong probinsya ang apektado ng nasabing sakit kung saan lumaganap ito sa 66 health zones.

Dagdag pa nito, kumalat na rin sa ilang rehiyon ng kontinente ng Africa ang aktibong kaso ng mga nagkakasakit kung saan naitala na rin ang pagkahawa ng ilan sa Nigeria at Kenya.