-- Advertisements --

Ibinandera sa Senado ang umano’y mahigit isang trilyong piso na halaga ng mga alokasyon sa panukalang 2027 national budget at tinukoy na ‘red flags’ ng People’s Budget Coalition.

Sa pagdinig ng Senate Finance Committee kasama ang mga Civil Society Organizations, inihayag ni coalition co-convenor AJ Montesa na kabilang dito ang P210 bilyon na soft pork, P695 bilyon na hard pork, at P112 bilyon na shadow pork o unprogrammed appropriations.

Iniuugnay ng grupo ang soft pork sa mga ayuda na umano’y nakadepende sa patronage, habang ang hard pork ay tumutukoy sa mga proyektong imprastraktura na maaari umanong maimpluwensiyahan ng mga politiko.

Ayon kay Montesa, nagdudulot ng pangamba ang mga naturang alokasyon dahil maaaring mas mapaboran ang interes ng mga politiko kaysa sa pangangailangan ng publiko.

Bilang tugon, nagmungkahi ang People’s Budget Coalition ng mga reporma sa sistema ng ayuda upang mas direktang mapakinabangan ng mga mamamayan ang pondo ng gobyerno.

Kabilang dito ang paglilipat ng pondo mula sa Medical Assistance for Indigent and Financially Incapacitated Patients o MAIFIP patungo sa PhilHealth, mula sa Tulong Dunong patungo sa Tertiary Education Subsidy, at mula sa Assistance to Individuals in Crisis Situation o AICS patungo sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps.

Iminungkahi rin ng grupo na alisin ang guarantee at referral letter system sa pagkuha ng medical assistance at sa halip ay ipaubaya sa mga kinauukulang ahensiya o hospital social services ang pag-isyu ng mga kinakailangang dokumento.

Hiniling din nila ang malinaw na processing timeline at priority lanes para sa mga emergency na may kinalaman sa pagpapagamot at pagpapalibing.

Samantala, kinuwestiyon din ng grupo ang halos pitong libong proyekto na nagkakahalaga ng P190 bilyon na umano’y walang kalakip na dokumentong maaaring makita ng publiko.

Ayon kay People’s Budget Coalition co-convenor Kenneth Ibasco Abante, hindi nila ipinaparatang na katiwalian ang lahat ng naturang proyekto, dahil kinikilala nilang kailangan ng bansa ang mga imprastraktura.

Gayunman, iginiit niyang dapat may sapat at malinaw na dokumentasyon ang mga proyektong popondohan mula sa buwis ng mamamayan.

Dahil dito, nanawagan si Abante sa Senado na alisin sa panukalang pambansang badyet ang mga proyektong walang nailalathalang kalakip na dokumento, at hinimok ang Pangulo na huwag aprubahan ang mga ito.

Ipinahayag din niya ang pagkabahala na sa kabila ng mga protesta at panawagan para sa reporma sa badyet, tila hindi pa rin sapat ang naging tugon ng ilang mambabatas sa Kamara.

Pinasalamatan naman niya ang mga senador sa pakikinig sa mga panawagan ng mga budget advocate para sa sistematikong reporma sa proseso ng pagbuo ng pambansang badyet.

Samantala, inaasahang magtitipon ang Bicameral Conference Committee sa ikalawang linggo ng Disyembre ngayong taon, upang pag-usapan ng dalawang kapulungan ang 2027 national budget na nagkakahalaga ng P7.2 trilyong piso.