Pinaalis ng Philippine Coast Guard (PCG) ang isang dayuhang barko na namataan sa loob ng 12-nautical-mile territorial sea ng Pag-asa Island sa Kalayaan Island Group noong Oktubre 25, 2026.
Ayon sa PCG, namataan ang barko may 2.7 nautical miles sa kanluran ng isla, malapit sa Sandy Cay. Agad itong binalaan at sinundan ng isang high-speed response boat hanggang makalabas sa nasabing katubigan.
Namataan din sa lugar ang China Coast Guard Vessel 21581 at dalawang rubber boat nito na nagmamasid sa operasyon, ngunit natuloy ito nang walang aberya.
Ayon sa PCG, ito na ang ikapitong operasyon nito sa loob ng wala pang apat na linggo laban sa mga dayuhang barko sa Kalayaan Island Group. Tiniyak din ng ahensya na palalakasin pa ang pagbabantay at pagpapatrolya upang maprotektahan ang karapatan ng Pilipinas sa karagatan.
















