Itinanggi ni Sen. Panfilo “Ping” Lacson na sadyang itinakda ang P50-milyong pabuya at ultimatum sa pagsuko kay Sen. Ronald “Bato” dela Rosa upang pigilan itong makaboto sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Lacson, haka-haka lamang ang mga alegasyong layunin ng hakbang ng pamahalaan na maapektuhan ang pagboto sa impeachment case laban sa bise presidente.
Ipinaliwanag ni Lacson na sa kasalukuyan ay hindi na saklaw ng kapangyarihang magpatupad ng sapilitang pagdalo ng impeachment court si Dela Rosa, batay sa naunang pasya ng impeachment court tungkol sa usapin ng kinakailangang boto para sa conviction.
Sa ilalim ng naturang pasya, ang 2/3 na boto para mahatulan ang isang opisyal ay ibabatay lamang sa mga senador na legal at aktuwal na maaaring lumahok sa paglilitis. Hindi kabilang sa bilang ang mga hindi makadadalo dahil sa mga sitwasyong gaya ng pagtatago sa mga awtoridad at hindi matukoy na kinaroroonan.
Sa ngayon, nagtatago si Dela Rosa matapos maiulat na may warrant of arrest laban sa kaniya mula sa International Criminal Court (ICC) kaugnay ng kampanya kontra droga noong administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Sinabi Lacson na mahirap para kay Dela Rosa na lumahok sa impeachment trial o bumoto nang hindi nanganganib na maaresto.
Binanggit niya ang pagdalo ni Dela Rosa sa Senado noong Mayo 11 upang bumoto para kay Sen. Alan Peter Cayetano sa pagpili ng Senate president. Gayunman, tumakas umano si Dela Rosa mula sa Senado matapos ang pamamaril sa loob ng gusali noong Mayo 13.
Nagbabala si Lacson na kung muli itong pupunta sa Senado para lamang bumoto, masyado na nitong isinusugal ang sarili.
Aniya, kung makalalahok si Dela Rosa nang walang nagaganap na pag-aresto, magdudulot ito ng mga tanong tungkol sa kahusayan ng mga awtoridad sa pagpapatupad ng batas.
Nauna nang inanunsyo ng pamahalaan ang P50-milyong pabuya para sa ikadarakip ni Dela Rosa, habang binigyan naman siya ng Philippine National Police ng isang linggo upang sumuko.
Kinuwestiyon naman ng mga abogado ng senador ang legalidad ng naturang pabuya.















