-- Advertisements --

Kinondena ni Mamamayang Liberal Party-list Representative Leila de Lima ang pagsasampa ng kasong cyber libel at libel ni Davao City 1st District Representatives Paolo Duterte laban sa isang media network, na aniya’y maaaring magdulot ng takot sa mga mamamahayag na nag-uulat ng mga alegasyon ng korapsyon.

Ayon kay De Lima, ang pagsasampa ng kaso laban sa media network at mga mamamahayag ay maaaring magpadala ng mensaheng naglalayong patahimikin ang malayang pamamahayag at ang mga naghahanap ng katotohanan.

Ilan sa mga sinampahan ng kaso ay mga executives ng isang media network, kasama ang ilang nes anchor at reporter, NBI Director Atty. Melvin Matibag, Rodulfo Gracioso at iba pang personalidad.

Inihalintulad din ng mambabatas ang insidente sa mga naging hakbang noong administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, kabilang ang pagbawi sa lisensiya, pag-atake at ang pagsasara ng ng iba pang mga media network na nakaapekto sa libo-libong empleyado.

Binigyang-diin ng mambabatas na maaaring sagutin ng mga kinauukulan ang mga alegasyong inilalathala ng media, lalo na kung binibigyan sila ng pagkakataong maipahayag ang kanilang panig.

Dagdag pa niya, bahagi ng pananagutan sa publiko ang pagsagot sa mga katanungan ng media sa halip na gumamit ng pagbabanta at pananakot.

Giit ni De Lima, mahalagang mapangalagaan ang kalayaan sa pamamahayag upang patuloy na makapag-ulat ang mga mamamahayag at makakuha ng impormasyon ang publiko tungkol sa mga usaping may kinalaman sa pananagutan ng mga nasa kapangyarihan.