-- Advertisements --

Kinumpirma ng 11-member ng House prosecution panel na dadalo sila sa pag-convene ng Senate impeachment court sa Mayo 18 para sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte, ayon kay Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon.

Kasabay nito, puspusan na rin ang paghahanda ng House prosecutors matapos maipadala ng Kamara de Representantes ang Articles of Impeachment sa Senado noong Miyerkules ng gabi.

Ayon kina Rep. Leila de Lima, Rep. Chel Diokno, at Rep. Joel Chua, regular silang nagpupulong para hatiin ang mga gawain sa bawat artikulo ng reklamo. Kasalukuyan ding bumubuo ng listahan ng mga volunteer private prosecutors ang panel.

Paliwanag ni De Lima na hinati sa mga team ang trabaho batay sa apat na articles of impeachment, kung saan bawat team ay may nakatokang pangangasiwaan tulad ng ebidensya, dokumento, at mga saksi.

Ayon naman kay Diokno, kailangang patunayan ng prosecution ang bawat elemento ng mga alegasyon bago ito maipasa sa depensa.

Samantala, sinabi ni Rep. Joel Chua na kabilang siya sa hahawak ng unang article na tumutukoy sa umano’y maling paggamit ng confidential funds, gayundin sa ikalawa at ikatlong articles na may kaugnayan sa unexplained wealth at bribery allegations.

Tiwala si Chua na hindi maaantala ng mga nangyaring tensiyon sa Senado ang impeachment proceedings.

Ipinunto rin ng mga mambabatas na nasa Senado na ang susunod na hakbang at dapat nitong ipatupad ang mandato nito na magsagawa ng patas at agarang paglilitis.

Kasabay nito, iginiit nina De Lima at Diokno na si Sen. Ronald “Bato” dela Rosa ay hindi dapat sumali sa impeachment trial dahil sa umiiral na warrant of arrest laban sa kanya mula sa International Criminal Court, na anila’y maaaring makaapekto sa integridad ng proseso.

Gayunman, nilinaw ni Chua na kahit hindi makilahok si Dela Rosa, mananatili pa rin ang kinakailangang two-thirds vote o 16 na boto.