Nanawagan si dating Senate President Franklin Drilon sa kongreso na humingi ng paglilinaw sa desisyon ng Supreme Court (SC) hinggil sa unprogrammed appropriations, partikular sa mga probisyong maaaring lumampas sa kapangyarihan ng korte at makasagasa sa konstitusyonal na awtoridad ng Kongreso sa pagba-budget.
Sa desisyon ng sc na nagdeklara sa ilang probisyon ng national budgets para sa 2024, 2025 at 2026 bilang unconstitutional, nagtakda Ito ng mga kondisyong dapat matugunan upang maituring na naaayon sa konstitusyon ang unprogrammed appropriations.
Ayon kay Drilon, bagama’t kinikilala niya ang mga kakulangan sa sistema ng unprogrammed appropriations, dapat kongreso ang magtakda ng mga pamantayan para rito.
Aniya, tungkulin ng lehislatura na magtakda ng mga appropriations at kondisyon nito, habang ang executive branch naman ang nagpapatupad ng budget alinsunod sa mga itinakdang kondisyon at sa konstitusyon.
Sinabi ng Office of the Solicitor General na hihingi ito ng paglilinaw sa mga safeguard na itinakda ng SC.
Sinuportahan naman ni Senate Finance Committee Chairperson JV Ejercito, na mag-iisponsor din ng 2027 General Appropriations act, ang hakbang upang maunawaan nang malinaw ang mga tuntunin ng korte.














