-- Advertisements --

Muling nagtamo ng injury ang batikang NBA star na si Ben Simmons, ilang araw bago ang nakatakdang pagsisimula ng regular season ngayong taon.

Nagtamo ang defensive specialist ng Achilles injury sa kaniyang kanang paa habang sumasalang sa practive nitong Lingo, Oct. 18.

Ayon sa Kings, natamo ni Simmons ang injury sa isang live drill at kailangang agad siyang sumailalim sa operasyon.

Bago nito ay kinuha ng Sacramento Kings si Simmons habang siya ay nakatakda sanang sumama sa national team ng Australia. Pumirma siya ng veteran minimum contract nong Setyembre, at agad sumabak sa ilang serye ng ensayo.

Ang 30-anyos na Australian player ay dating No. 1 draft pick, at tatlong beses nang napili bilang All-Star player. Dati rin siyang kinilala bilang Rookie of the Year noong 2017-18.

Gayonpaman, nagtamo siya ng mga serye ng injury at hindi nakapaglaro sa loob ng maraming games habang palipat-lipat ng koponan.

Mula sa Philadelphia 76ers na pumili sa kaniyang bilang No. 1 pick, lumipat siya sa Brooklyn Nets at Los Angeles Clippers, hanggang sa tuluyang umalis sa NBA upang maglaro sana sa Team Australia ngunit tuluyan ding kinuha ng kings.

Nakatakdang humarap ang Kings sa una nitong laban sa bagong season, tatlong araw mula ngayon, kontra Los Angeles Clippers.