Opisyal nang nagretiro mula sa National Basketball Association (NBA) ang “Triple-Double King” na si Russell Westbrook matapos ang 18 season sa liga.
Pinili ng batikang point guard ang pagreretiro sa kabila ng mga alok mula sa iba’t ibang koponan para sa 2026-2027 season, kabilang ang Sacramento Kings at Washington Wizards.
Kung babalikan ang kaniyang karera, napili si Westbrook bilang No. 4 overall pick noong 2008 NBA Draft ng dating Seattle SuperSonics. Gayunman, hindi siya nakapaglaro sa Seattle dahil tuluyan nang lumipat ang prangkisa sa Oklahoma City.
Dito sinimulan ni Westbrook ang kaniyang karera kung saan naglaro siya ng 11 season para sa Thunder kasama ang iba pang mga star player na sina Kevin Durant at James Harden. Nadala ng tatlo ang Oklahoma sa NBA Finals noong 2012, ngunit natalo sila sa Miami Heat.
Sa kaniyang pagreretiro, hawak pa rin niya ang rekor sa Thunder bilang career leader sa points, assists, rebounds, at steals.
Noong 2016-2017 season, nagawa niyang mag-average ng triple-double sa buong season sa itinala niyang 31.6 points, 10.7 rebounds, at 10.4 assists per game—dahilan upang ibulsa niya ang kaniyang kauna-unahang Most Valuable Player (MVP) award.
Sa huling pitong season ng kaniyang karera, nagpalipat-lipat siya ng koponan mula sa Thunder patungong Houston Rockets, Washington Wizards, Los Angeles Lakers, Denver Nuggets, at Sacramento Kings.
Sa kaniyang huling season (2025-2026), nagawa pa niyang maglaro sa 58 games para sa Kings kung saan nagtala siya ng average na 15.2 points, 6.7 assists, at 5.4 rebounds.
Pang-lima si Westbrook sa may pinakamaraming career assists sa buong kasaysayan ng NBA, habang hawak naman niya ang pinakamaraming triple-double sa buong liga.















