Nanindigan ang Department of Budget and Management (DBM) na walang anumang political consideration at political favoritism sa paglalaan ng National Tax Allotment (NTA )sa mga lokal na pamahalaan
Ayon kay DBM Secretary Kim Robert De Leon, nakabatay lamang sa itinatakda ng batas at sa sinusunod na formula ang tax allotment sa bawat panukalang pondong binubuo ng ahensiya para sa buong bansa.
Kabilang sa mga ikinukunsiderang salik ay ang tatlong pangunahing pamantayan: populasyon, lawak ng lupain, at pantay na bahagi o hatian para sa mga LGU.
Giit ng kalihim, mahalaga ang pondong ito upang matustusan ng pangangailangan at gastusin ng mga probinsiya, lungsod, munisipalidad at barangay, sa mga serbisyong pangkalusugan, imprastraktura, pangongolekta ng basura, pangangalaga sa kapaligiran, at paghahanda at pagtugon sa mga kalamidad.
Paglilinaw pa ng opisyal, hindi nangangahulugang mas mahusay ang serbisyo ng isang LGU dahil lamang mas malaki ang natatanggap nitong pondo.
Sa huli aniya, nakasalalay pa rin ito sa maayos na pagpaplano, paggamit ng budget, at maayos na pagpapatupad ng mga programa.
Nakatakdang umabot sa P1.320 trilyon ang panukalang NTA para sa 2027.
Ito ay mas mataas ng P129.3 bilyon kumpara sa P1.191 trilyon ngayong 2026.















