Umabot na sa 4.07M metriko tonelada ang na-angkat na bigas ng Pilipinas bago pa man tuluyang maramdaman ang matinding epekto ng El Niño. Batay ito sa opisyal na datos mula sa Bureau of Plant Industry.
Mas mataas ito ng 20.06 % kumpara sa 3.39M metriko toneladong naitala noong nakaraang taon. Nananatiling pangunahing pinagkukunan ng bigas ng bansa ang Vietnam na nagsuplay ng 2.73M metriko tonelada, na sinundan ng Thailand at Myanmar, habang ang nalalabing bahagi ay nagmula sa Cambodia, Pakistan, India, South Korea, Japan, at Italy.
Tinatayang aabot pa sa 5M metriko tonelada ang kabuuang angkat ng bigas ngayong taon. Ito aniya ay para maprotektahan ang local buffer stock laban sa banta ng El Niño.
Samantala, batay sa Daily Price Index ng Department of Agriculture, pumapalo na sa P60.74 kada kilo ang imported special rice, habang ang premium rice ay nasa mahigit P55.
Ang well-milled rice naman ay nagkakahalaga ng mahigit P48, at ang regular milled rice ay nasa mahigit P45 kada kilo.
















