-- Advertisements --

Nasunog ang isang barkong nagtataglay ng watawat ng Comoros habang nakatigil sa territorial waters ng Romania kasunod ng mga ulat ng panibagong pag-atake ng drone sa rehiyon ng Black Sea.

Ayon kay Romanian Defence Minister Radu Miruta, pormal nang iniimbestigahan kung drone ang tumama sa tanker na Yara J matapos ding makapagtala ng sunod-sunod na pagpasok ng mga hindi kilalang drone sa airspace ng bansa.

Nangyari ang insidente matapos ding maitala ang pag-atake sa dalawang barko sa baybayin ng Bulgaria kung saan tuluyang lumubog ang isa sa mga ito, na nagtulak sa pamahalaan ng Bulgaria na ipatawag ang ambassador ng Russia.

Iginiit naman ni Ukrainian President Volodymyr Zelenskyy na ang mga serye ng pambobomba sa mga sibilyang barko sa neutral waters ay gawa ng mga drone ng Russia.

Dahil sa lumalalang banta sa mga ruta ng kalakalan at enerhiya sa Black Sea, nagpasimula na ng konsultasyon ang mga karatig-bansa kabilang ang Bulgaria, Romania, at Turkiye upang patatagin ang seguridad ng mga sasakyang-dagat at bantayan ang teritoryo ng NATO at European Union.