-- Advertisements --

Nagdesisyon ang gobyerno ng Japan na mas palawigin pa ang pag-alis ng sanction laban sa Syria sa pamamagitan ng pag-alis ng mga babala at restrictions sa 16 na organisasyon doon.

Ayon kay Chief Cabinet Secretary Minoru Kihara, layunin ng hakbang na ito na suportahan ang rebuilding at reconstruction ng Syria matapos ang pagbagsak ng rehimen ni dating Pangulong Bashar al-Assad noong 2024.

Binigyang-diin ni Kihara na ang katatagan at pag-unlad ng Syria ay may direktang epekto sa pangkalahatang kapayapaan sa buong Middle East, kaya mahalagang matulungan ang mga kinauukulang grupo sa kani-kanilang mga tungkulin sa muling pagbangon ng bansa.

Sa kabila ng panibagong hakbang na ito, nananatili pa ring may umiiral na sanksyon ang Japan laban sa 59 na indibidwal at 15 organisasyon sa Syria.

Ang hakbang ng Japan ay kasunod din ng kaparehong mga desisyon ng United States at European Union na mag-alis ng sanksyon bilang suporta sa political transition at muling pagtataguyod ng Syria.