Bumagsak sa bagong pinakamababang antas sa kasaysayan ang piso ng Pilipinas matapos sumara sa P63.06 kontra dolyar sa pagtatapos ng kalakalan nitong Oktubre 15.
Sa intraday trading ngayong araw, sumadsad pa ang halaga ng lokal na salapi sa P63.15 bawat dolyar, na lumampas sa dating record low na P62.90 noong Oktubre 8.
Inaasahang magdudulot ang paghina ng piso ng mas mataas na gastos sa pag-aangkat ng langis at produktong petrolyo, na maaari namang magtulak sa pagtaas ng inflation o presyo ng mga bilihin sa bansa.
Bukod dito, makakaapekto rin ang depresyon ng piso sa pambansang utang ng Pilipinas, kung saan ang ikatlong bahagi nito ay nagmumula sa mga dayuhang nagpapautang.
Bagama’t panandaliang makikinabang ang mga pamilya ng mga overseas Filipino workers (OFWs) dahil sa mas mataas na katumbas na piso ng kani-kanilang padala, maaari pa ring maapektuhan ang kani-kanilang kakayahang bumili dahil sa pagtaas ng bilihin.
Mula nang magsimula ang tensyon at pag-atake ng US at Israel laban sa Iran noong huling bahagi ng Pebrero, bumagsak na ng 9.4 porsyento o P5.395 ang halaga ng piso laban sa dolyar.














