Epektibo na ngayong Miyerkules, Oktubre 14, 2026, ang bagong minimum wage rates para sa mga manggagawa at kasambahay sa Central Visayas, alinsunod sa mga wage order na inilabas ng Department of Labor and Employment (DOLE).
Sa ilalim ng Wage Order No. ROVII-27, tataas ng P42 ang arawang minimum na sahod ng mga manggagawa sa Class A areas, kaya magiging P582 na ito. Samantala, P542 naman ang bagong arawang minimum wage sa Class B areas.
Kabilang sa Class A ang mga lungsod ng Carcar, Cebu, Danao, Lapu-Lapu, Mandaue, Naga at Talisay, gayundin ang mga munisipalidad ng Compostela, Consolacion, Cordova, Liloan, Minglanilla at San Fernando, o ang Expanded Metro Cebu.
Para naman sa mga domestic worker o kasambahay, magiging P7,500 na ang buwanang minimum na sahod, kasunod ng P500 na dagdag sa ilalim ng Wage Order No. ROVII-DW-06.













