-- Advertisements --

Pinuna ni International Criminal Court (ICC) Trial Chamber III judge Joanna Korner ang depensa ni dating pangulong Rodrigo Duterte dahil sa umano’y pagtangging makipagtulungan sa prosekusyon upang mabawasan ang dami ng mga dokumentong gagamitin sa paglilitis sa kasong crimes against humanity.

Sa ikaapat na status conference, iminungkahi ni senior trial lawyer Julian Nicholls ng prosekusyon na magkasundo ang magkabilang panig sa bilang ng mga opisyal na rekord upang maalis ang 42,511 dokumento at mabawasan ng 6,863 item ang pormal na listahan ng ebidensiya.

Kabilang sa mga alok ang pagkuha ng independent expert at pagbibigay sa depensa ng pagkakataong suriin ang paraan ng pagbilang at pag-uuri sa mga dokumento.

Ayon kay Nicholls, tinanggihan umano ng depensa ang mga panukala.

Sinabi naman ni judge Korner kay lead defense counsel Peter Haynes na tila ginagawa ng prosekusyon ang lahat upang tumulong, ngunit hindi umano ito tinatanggap ng depensa.

Iginiit ni Haynes na limang taon nang hawak ng prosekusyon ang mga dokumento ngunit Hindi pa umano nasusuri nang sapat ng analyst o abogado.

Aniya, mahigit 35,000 pahina ang kailangang pag-aralan at posibleng mangailangan Ito ng nakatalagang pangkat nang mahigit isang taon.

Itinanggi naman ni Nicholls ang alegasyong umasa ang prosekusyon sa Artificial Intelligence sa halip na pagsusuri ng tao.

Ayon sa kaniya, ilang buwan na umanong manu-manong sinuri ng mga analyst ang mga pahina upang maihiwalay ang mga aktuwal na operasyon ng pulisya sa mga kasong walang kaugnayan dito.

Sa panig ng depensa, iginiit ni Haynes na kailangang malayang masuri ng kaniyang pangkat ang mga dokumento upang matukoy kung anong mga pangyayari ang mapatutunayan gamit ang opisyal na ebidensiya.

Gayunman, sinabi ni korner na ang alok ng prosekusyon ay tulong sa depensa at wala siyang nakikitang paglabag sa tungkulin ng mga abogado sa hinihinging proseso.