-- Advertisements --

Niyanig ng ilang malalakas na pagsabog ang northern strategic area ng Strait of Hormuz matapos masagi ang naval mine ng ilang oil tanker na dumadaan sa naturang karagatan.

Batay sa ulat na nagmula sa militar, posibleng na-trigger ng mga barko ang mga nakatagong underwater explosive dahil sa pagdaan sa mga hindi awtorisadong maritime corridor.

Wala pang ibinibigay na opisyal na detalye ang mga awtoridad ukol sa pagkakakilanlan ng mga naapektuhang oil tanker, bilang ng mga nasugatang crew, o ang kabuuang pinsalang idinulot ng mga pagsabog sa mga barko.

Paulit-ulit nang nagbabala ang Iran laban sa mga sasakyang pandagat na gumagamit ng mga rutang walang pahintulot mula sa Tehran, na lalong nagpataas ng tensyon at pangamba sa seguridad ng kalakalan ng langis sa narrow waterway na ito.

Nangyari ang insidente sa gitna ng nagpapatuloy na hidwaan sa rehiyon, kung saan nananatiling kritikal ang seguridad sa Strait of Hormuz para sa pandaigdigang suplay ng enerhiya at transportasyon ng langis.