-- Advertisements --

Sinuri ng mga Senator-judge ang sunod-sunod na transaksiyon kung saan mahigit P96 milyon mula sa joint account nina dating pangulong Rodrigo Duterte at Vice President Sara Duterte ang paulit-ulit na ginawang manager’s checks.

Ayon kay Marwin Galvez, division head ng isang bangko, kapag ginamit ang pondo para bumili ng manager’s check, hindi na ito kasama sa balance ng pinagkunang account habang nananatiling outstanding ang tseke.

Gayunman, nananatili ang pera sa settlement account ng bangko para sa manager’s checks.

Ipinakita ng prosecution ang records ng dalawang time deposit na nagkakahalaga ng humigit-kumulang P41 milyon at P55 milyon.

Ayon kay Prosecutor Atty. James Bryan Ibrahim Alih, ginamit ang mga ito para kumuha ng manager’s checks na hindi agad na-encash, kalaunan ay ibinalik at pinalitan ng panibagong checks.

Umabot sa anim na magkakasunod na cycle ang naturang transaksiyon mula 2011 hanggang 2013.

Tinawag itong “tinikling” ni Senator-judge Vicente Sotto III, batay sa umano’y paglalarawan ng isang banker sa paulit-ulit na pag-isyu, hindi paggamit at pagbabalik ng manager’s checks.

Tinanong naman ni Senator-judge Francis “kiko” Pangilinan kung bakit hindi na nakikita sa account balance ang p41 milyon habang outstanding ang manager’s check. Kinumpirma ni galvez na nasa settlement account ng bangko ang pera at hindi na kasama sa balance ng source account.

Samantala, tinanong ni Senator-judge Erwin Tulfo kung ang naturang mga pondo ay na-convert sa manager’s checks habang public officials ang mga account holder.

Kinumpirma ni Galvez na nangyari ito sa covered period, bagama’t hindi niya matukoy kung sino ang kalaunang nag-encash o nagdeposito ng mga tseke nang hindi muna sinusuri ang records.

Ikinumpara naman ni Senate President Sherwin Gatchalian ang naturang records sa statement of assets, liabilities and net worth o saln ni vp sara, partikular ang dalawang time deposit na pinagsamang lumampas sa p96 milyon bago inilipat ang mga pondo sa pamamagitan ng manager’s checks.