MANILA — Mabigat ang naging simula ng kampanya ng Gilas Pilipinas Girls sa FIBA U18 Women’s Asia Cup matapos silang tambakan ng defending champion Australia, sa iskor na 102-47, noong Linggo sa Karisma Arena sa Seremban, Malaysia.
Agad na nakontrol ng Australia ang laro matapos magtayo ng 30-8 kalamangan sa unang quarter, bago tuluyang lumayo ang kanilang kalamangan sa mga sumunod na yugto.
Hindi na nakasabay pa ang Pilipinas sa opensa ng Australia, habang nahirapan din itong makakuha ng mga puntos mula sa field.
Tumira lamang ang Gilas ng 15-of-56 o 26.8 porsiyento mula sa field.
Malaki rin ang naging lamang ng Australia sa rebounding, 60-20.
Sina Tiffany Reyes at Zaydhen Rosano ang nanguna para sa Pilipinas na may tig-10 puntos.
Samantala, pinangunahan ni Sophie Richardson ang Australia sa 18 puntos sa wala pang 16 minutong paglalaro, habang nagdagdag si Isabel Smith ng 17. Nagtala rin si Lily Mapp ng 10 puntos at 12 rebounds para sa defending champions.
Kasama ng Pilipinas at Australia sa Pool A ang South Korea at New Zealand. May pagkakataon agad ang Gilas Girls na bumawi sa kanilang susunod na laro kontra South Korea sa Lunes.
















