Sinang-ayunan ni kilalang human rights lawyer Neri Colmenares ang pasya ng Korte Suprema na ibasura ang petisyon laban sa Senate ruling ukol sa 2/3 voting threshold sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Inihain ang mga petisyon upang kuwestiyunin ang interpretasyon ng Senate Impeachment Court sa 2/3 voting threshold. Ayon sa mga petisyoner, dapat ibatay ang nasabing bilang sa lahat ng 24 na senador, at hindi lamang sa mga Senator- judges na dumadalo o aktibo.
Subalit tugon ng Korte, walang legal standing o direktang kaugnayan ang mga petisyoner sa kaso. Sinabi rin nito na masyado pang maaga ang petisyon dahil wala pang hatol sa Bise Presidente.
Ngunit iginiit ni Colmenares na hindi nangangahulugang pinal na ang desisyong ito. Aniya, nasa Senate Impeachment Court pa rin ang huling pasya dahil sila ang may eksklusibong kapangyarihang maglitis at magdesisyon sa kaso.
Kaugnay naman sa usapin ng naging paglabag ng prosecution sa pagtalakay sa merit ng kaso, inihayag ni Neri Colmenares na bagamat may karapatan ang Senado na protektahan ang impeachment trial, hindi dapat pigilan ang sinuman sa pagkomento o paggamit ng freedom of expression sa isang mahalagang pampublikong isyu.
Matatandaang binalaan ang nasabing panig kasunod ng inilabas na show cause order ng Senate Impeachment Court partikular kina Rep. Terry Ridon at House prosecution spokesperson Atty. Jay Tolosa dahil sa umano’y paglabag sa sub judice rule sa ilalim ng Rule 18 ng Senate Impeachment Rules.
















