Naghain na ng kaso laban sa kapitan ng nasunog na barkong MV June Aster kasabay ng nakatakdang salvage operation sa katubigang sakop ng Coron, Palawan.
Ayon kay Philippine Coast Guard Spokesperson Commodore Noemie Cayabyab, ipinauubaya na nila sa proper forum ang pag-usad ng legal charges.
Una rito, lumalabas sa imbestigasyon ng Enforcement Service ng Maritime Industry Authority (MARINA) na maling pag-iimbak ng mga flammable cargo ang isa sa mga pangunahing dahilan ng pagsiklab ng sunog sa barko noong Setyembre 9, 2026 na ikinasawi ng 77 indibidwal.
Ayon kay MARINA Region IV Regional Director Maximo Bañares Jr., napag-alamang maraming kargang madaling mag-apoy ang barko na hindi dapat isinasama sa kinaroroonan ng mga pasahero.
Iginiit ng opisyal na mayroong tamang paraan ng pag-iimbak para sa mga ganitong uri ng kargamento upang maiwasan ang anumang aksidente at sunog.
Samantala, nasa 71 sa mga nasawing biktima ang hindi pa nakikilala habang patuloy pa ring pinaghahanap ang walo pang nawawalang indibidwal.
May iba pang nagpapatuloy na imbestigasyon ang mga eksperto dahil sa iba pang resulta ng pagkasunog ng barko sa isang bahagi ng karagatan na kilalang pangisdaan ng mga mamamalakaya sa Palawan.















