Patuloy na sinusuri ng Maritime Industry Authority (MARINA) ang mga kamakailang pagsipa ng taas pasahe na ipinatupad ng mga operator ng ferry na bumibiyahe patungo sa Romblon at iba pang rutang pandagat. Ito ay upang matukoy kung naaayon ang mga ito sa itinakdang limitasyon sa pamasahe.
Ayon naman kay MARINA Region IV Director Maximo Bañares Jr., na titingnan ng kanilang ahensya ang ilang mga fare adjustments kasunod ng naging hinaing ng mga pasahero.
Ayon pa kay Bañares, hindi umano dapat lumagpas sa 10% ang fare adjustment. Agad naman nilang aabisuhan ang mga operators na magpapatupad ng fare increase kung ito ay hindi ayon sa permitted level.
Samantala, ilan sa mga shipping companies na nagpatupad ng taas-singil sa pamasahe ay ang Montenegro Shipping Lines, Starlite Ferries, Starhorse Shipping Lines, Archipelago Philippine Ferries Corporation at Island Water.
Matatandaan na nagkaroon ng malaking pagbabago sa presyo ng pamasahe simula pa noong Marso at Abril ngayong taon, kaungnay sa kaguluhan sa gitnang silangan.
Binigyang diin naman ng pamunuan ng MARINA na dapat sumunod din ang mga ferry operator na sumabay sa pagbaba ng pamasahe oras na bumaba na rin ang presyo ng produktong petrolyo sa merkado.















