-- Advertisements --

Na-monitor ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) ang panibagong volcanic activity sa Mayon Volcano noong gabi ng Mayo 18, kung saan naitala ang lava effusion at collapse-fed pyroclastic density currents (PDCs) o tinatawag na “uson.”

Ayon sa State volcanologists, ang aktibidad ay naganap mula alas-9:45 ng gabi hanggang alas-10:06 ng gabi at umabot ang PDCs ng humigit-kumulang 2,000 metro mula sa bunganga ng bulkan patungo sa Mi-isi Gully.

Ipinakita rin ng ahensya ang time-lapse footage ng pagdaloy ng lava at pagguho ng materyales mula sa bulkan, na patuloy na nagpapakita ng aktibong pag-aalburoto.

Sa ngayon ay nasa ika-133 sunod na araw na ng effusive eruption, ang naitala sa naturang bulkan na siyang patuloy na nagbubunga ng incandescent lava flows, rockfalls, at PDCs.

Mas mataas din ang naitalang aktibidad kumpara sa nakaraang araw, matapos ma-record ang 9 PDC signals at 428 rockfall events sa loob ng 24 oras, kumpara sa 5 PDC signals at 351 rockfalls noong nakaraang ulat.

Patuloy na nakataas ang Alert Level 3 sa Mayon Volcano, na nangangahulugang may patuloy na magmatic unrest o intensified volcanic activity.

Pinapaalalahanan ng PHIVOLCS na mahigpit na ipinagbabawal ang pagpasok sa 6-kilometer permanent danger zone dahil sa panganib ng biglaang pagbuga ng lava, rockfalls, at pyroclastic flows.