Mariing iginiit ng testigong si Ramil Madriaga na walang sinuman ang pumilit, nagbayad, o nangakong palalayain siya kapalit ng kanyang mga sinumpaang salaysay kaugnay sa umano’y mga gawain ni Vice President Sara Duterte at ng kaniyang pamilya.
Sa pagdinig ng House Committee on Justice, sinabi ni Madriaga na kusa niyang ginawa ang kanyang affidavit.
Binigyang-diin ni Madriaga na hindi siya napilitan at hindi siya humihingi ng anumang kapalit sa paggawa ng salaysay niya.
Nang tanungin ni Deputy Speaker at Iloilo Rep. Janette Garin kung bakit siya nagdesisyong magsalita, sinabi ni Madriaga na karapatan ng sambayanang Pilipino na malaman ang umano’y iregularidad na kinasasangkutan ni Atty. Harry Roque, partikular ang isyu ng land grabbing at ang umano’y pagpapabaya rito ni Duterte.
Ayon kay Madriaga, kailangan ng malaman ng publiko ang kalokohan ni Harry Roque na pinoprotektahan umano ni VP Sara
Sinabi ni Madriaga na hindi lamang sa isang lugar umiiral ang naturang isyu.
Binanggit nito ang ilang bahagi ng Luzon, kabilang ang Zambales at Pangasinan kung saan aniya’y may mga magsasakang naaapektuhan.
Partikular na tinukoy ni Madriaga ang mga magsasaka sa Mariveles, Bataan na dapat
sana’y makatatanggap ng Certificate of Land Ownership Awards mula sa Department of Agrarian Reform.
Gayunman, nagkaroon umano ng alitan nang subukan niyang tulungan ang mga ito laban sa planong paggamit ng lupa bilang hub para sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs).
Sa kanyang affidavit at supplemental affidavit, inangkin din ni Madriaga na nagsilbi siyang “bagman” at political officer na nakatuon sa intelligence gathering para sa pamilya Duterte.
Sa kasalukuyan, patuloy na iniimbestigahan ng Kamara ang naturang mga alegasyon.










