-- Advertisements --

Naharang ng Bureau of Customs (BOC) ang milyon-milyong halaga ng mga pharmaceutical product na tinangkang ipuslit sa Pilipinas.

Pinangunahan ng ahensiya ang operasyon sa Manila International Container Port kung saan nasabat ang naturang shipment na nagmula pa sa China.

Ayon kay BOC Commissioner Ariel Nepomuceno, inisyal na idineklara ang mga ito bilang pet cages. Nang sinuri ang mga ito, natukoy na may iba pang kargamentong kalakip na naglalaman ng mga gamot na walang akmang mga dokumento.

Narekober ng Customs Intelligence and Investigation Service ang hanggang 336 na kahon ng iba’t-ibang mga pharma products na tinatayang nagkakahalaga ng mahigit P33 million.

Nasabat din ng grupo ang mahigit 400 kahon ng iba pang produkto na tinatayang nagkakahalaga ng halos P20 million.

Ayon kay Comm. Nepomuceno, patong-patong na kaso ang ihahain laban sa mga indibidwal na nasa likod ng illegal shipment tulad ng paglabag sa Customs Modernization and Tariff Act at Food and Drug Administration Act of 2009.