Kinumpirma ng Philippine National Police (PNP) na bumuo na ang kanilang Anti-kidnapping Group (AKG) unit ng motion to amend the complaint kaugnay sa pagdawit ni Alvin Que sa kidnapping case ng ama nitong filipino-chinese businessman na si Anson Que at ng driver nito na si Armanie Pabillo.
Ayon kay PNP Chief PGen. Rommel Francisco Marbil, walang sapat na ebidensyang makapagdidiin kay Alvin Que na siya ay may kinalaman sa naging pagpatay sa kaniyang ama.
Aniya, hindi naging sapat ang mga naging pahayag at pagdidiin ni David Tan Liao kay alvin bilang walang maipakitang ebidensya si Liao na nagkita o nagkausap man lang ang dalawa.
Hindi rin maituturing na gospel truth ang mga pahayag na ito ni Liao dahil ang mga naging pahayg ay sumailalim pa sa berepikasyon kung saan inalam ng kanilang hanay kung ang mga naging pagamin na ito ni Liao ay totoo ba o hindi.
Paliwanag pa ni Marbil, kaya napabilang si Alvin sa mga naging respondent sa kaso ay dahil pa rin sa mga naging pagamin ni Liao kung saan nauna nang ipinahayag ni PRO III Director at PNP Spokesperson PBGen. Jean Fajardo na maaaring isang diversionary tactics lamang ito ng suspek para lituhin ang imbestigasyon.
Kasunod nito ay nais din ni Marbil na maging kumpirmado muna ang mga pahayag at ebidensya bago pa man ideklarang cleared na si Alvin sa mga akusasyon na mula sa extra judicial confessions ni Liao.
Kailangan din aniyang masiguro muna na may mga sapat na ebidenysang sususporta sa mga pagdidiin na ito para masabi na isa nga si Alvin sa mga respondents sa naturang kaso.
Samantala kinumpirma na rin ng PNP na natukoy na ng kanilang hanay ang mga itinuturing na ‘masterminds’ sa kidnapping case ni Anson Que.
Ani Marbil, kinokonsidera na ng kanilang imbestigasyon si Liao bilang isa sa mga mastermind kabilang dito ang patuloy na hinahanap at kasalukuyang may patong sa ulo na P5 milyong piso na si Kelly Tan Lim at isa pang hindi pinangalanang suspek.
Patuloy namang inaalam ng PNP ang motibo ng mga suspek sa pagdukot at pagapatay sa biktima.