Posibleng makamit ng Pilipinas ang 95% na rice sufficiency sa bansa pagsapit ng taong 2028 ayon sa Philippine Rice Research Institute (PhilRice).
Ito ay sa pamamagitan ng paggamit ng parehong hybrid at inbred varieties ng pagtatanim ng palay sa bansa.
Sa isang pahayag ay sinusugan ni PhilRice Deputy Executive Director for special concerns, Flordeliza Bordey ang naging statement ni National Irrigation Administration head Eduardo Guillen na posibleng makamit ng ating bansa ang rice sufficiency pagsapit ng 2028 lalo na ngayong inaasahang tataas pa ang produksyon ng palay ngayong taon sa kabila ng nararanasang El Niño phenomenon sa bansa.
Kaugnay nito ay tiniyak naman ni Bordey na magbibigay ng mga binhi at teknolohiya ang kanilang institusyon habang ang National Rice Program naman ng Department of Agriculture ay makatutulong din sa produksyon ng mga binhi at gayundin sa support services.
Ipamamahagi ang mga hybrid seeds sa 15 lalawigan sa Pilipinas kabilang na ang Nueva Ecija, Isabela, at Pangasinan habang ang pondo Rice Competitiveness Enhancement Fund naman ay gagamitin sa mga rained areas o sa mga lugar na gumagamit ng mga sertipikadong inbred seed tulad ng Visayas, Negros Occidental, Leyte, Samar, at Panay Island.
Kung maaalala, una nang sinabi ni Albay Rep. Joey Salceda na kinakailangang sumentro ang game plan ng pamahalaan sa rice production upang maibsan ang epekto ng tumataas na inflation ng mga pangunahing bilihin sa bansa na kinabibilangan naman ng bigas.