Matagumpay na naipamahagi ng gobyerno ang 92.58 percent ng kabuuang suplay ng coronavirus disease vaccines sa iba’t ibang sulok ng bansa habang nagpapatuloy ang libreng pagbabakuna ng pamahalaan.
Ayon sa National Task Force (NTF), aabot na ng 2,801,020 doses ng kabuuang suplay ng 3,025,600 vaccine doses ang naipamahagi na as of April 13.
Sa loob lang aniya ng isang linggo ay nagawang maipahagi ng pamahalaan ang halos 900,000 doses ng bakuna sa lahat ng rehiyon. Patunay lang daw ito na maganda ang pangangasiwa sa logistics at cold chain.
Nagpapakita rin daw ito na handa na ang Pilipinas sa mas mabilis na pagbabakuna ng publiko sa oras na matanggap na ng bansa ang bultuhang vaccine doses mula COVAX facility at negosasyon nito sa ibang mga bansa.
Samantala, aabot naman ng 1,093,651 indibidwal ang nabakunahan na ng kanilang first dose ng bakuna laban sa nakamamatay na virus.
Dagdag pa ng NTF na mayroong 162,065 katao ang natanggap na ang kanilang ikalawang dose ng bakuna, dahilan upang mabigyan na sila ng full protection at benepisyo na ulot ng coronavirus vaccine.
Ang mga nabakunahan ay kasama sa A1 hanggang A3 priority na binubuo ng mga frontline healthcare workers, senior citizens at persons with comorbidities.
Tinurukan ang mga ito ng CoronaVac vaccine mula sa Chinese manufacturer na Sinovac Biotech o AstraZeneca vaccine na mula naman sa British-Swedish firm.
Sa ngayon ay nakikipag-ugnayan na raw ang gobyerno sa pampribadong sektor para pabilisin ang deployment ng mga bakuna at simulan ang pagbabakuna sa A4 priority o economic frontliners.