-- Advertisements --

Tiniyak ni Presidential Anti Corruption Commission (PACC) Commissioner Greco Belgica na napunta sa mga legitimate beneficiaries ang ayudang inilabas ng pamahalaan para sa mga low income families na apektado ng COVID-19 pandemic.

Ayon kay Belgica, 90% ng social amelioration program (SAP) ng Department of Social Welfare and Development na ipinatupad noong nakaraang taon, na itinakda para sa 18 million mahihirap na pamilya sa buong bansa, ay napunta sa mga legitimate beneficiaries.

Ito aniya ang nakikita nila sa PACC base sa tatlong pagdinig na kanilang idinaos para sa usapin na ito lamang.

Sinabi ni Belgica na target nilang matukoy ang mga nasa likod ng maanomaliyang beneficiaries pati na rin ang mga naglabas ng pera para sa mga hindi naman kwalipikado.

Magugunitang P5,000 hanggang P8,000 na ayuda ang ibinigay ng national government sa mga low income families noong nakaraang taon.

Kamakailan lang, nagbigay ulit ang pamahalaan ng ayuda sa mga apektadong komunidad sa reimposition ng enhanced community quarantine, pero ang halagang ibinigay sa kanila ay nilimitahan na lamang sa P4,000 bawat pamilya.