Dinismiss ng Office of the Ombudsman ang kasong panonorture ng 9 na ahente ng National Bureau of Investigation sa magkapatid na umano’y sangkot sa pagkawala ng 2 online cockfight workers.
Kabilang sa 9 na NBI agents na inabswelto sa kaso ay sina Ross Jonathan Galicia, Eduardo Ramos Jr., Levi Mora Orille, Aubrey Cosidon, Eigelbert Pulan, Abner Dotimas, Nestor Gutierrez, Allan Ernesto Elefante at Gary Menez na mga miyembro ng NBI-Task Force Against Illegal Drugs na ngayon ay tinatawag ng NBI Dangerous Drugs Division.
Ayon sa NBI, walang nahanap na merito ang Ombudsman sa mga kasong isinampa laban sa mga agent na ginawa lamang ang kanilang mandato sa ilalim ng batas bilang NBI agents.
Samantala, ayon sa NBI dinala ang magkapatid sa Department of Justice para sa inquest proceedings sa loob ng 36 hour reglamentary period.
Matatandaan na noong June 10, 2021, iniharap sa media ang magkapatid na sina Nicasio at Nicholes Manio bilang mga suspek sa pagdukot at pagkawala ng online cockfight workers na sina Johnver Francisco at Frank Tabaranza sa Meycauayan, Bulacan.