-- Advertisements --

BUTUAN CITY – Umabot na sa siyam katao ang naitalang patay at dalawa ang missing sa paghagupit ng bagyong Vicky dito sa Caraga Region.


Ito’y base sa situational report mula sa Regional Tactical Operations Center ng Police Regional Office (PRO) 13 as alas-3:00 kahapon ng hapon, Disyembre a-21 kungsaan sa ngayon ay umabot sa 420 mga pamilya o 1,472 mga indibidwal ang nananatili pa sa 120 iba’t ibang mga evacuation centers.

Sa mga lugar na may naitalang landslides, hindi pa rin madadaanan sa ngayon ang provincial road ng Purok 6, Barangay Tagungon, Tagbina, Surigao del Sur.

Dahil sa mga naitalang casualty, tiniyak ni PRO-Caraga regional director Brigadier General Romeo Caramat Jr., na kahit lumabas na sa bansa ang bagyong Vicky, nananatili silang naka-full alert para sa search, rescue, retrieval at recovery operations lalo na sa mga area na grabeng naapektuhan ng bagyo.

Matatandaang nitong Disyembre a-18, Biernes, tumama ang bagyo sa Mindanao area dala ang malakas na mga pag-ulan sanhi ng mga pagbaha at mudslides sa mga probinsya Surigao del Sur at Agusan del Sur kung k,aya’t napilitan ang mga residente ng mga low lying areas na lumikas sa mga evacuation centers.

Inasikaso naman ng pulisya ang mga bakwit lalo na ang mga matatanda at mga bata ka-agapay ang mga ahensya ng gobyerno at mga lokal na pamahalaan.