NAGA CITY – Aabot sa 8,500 hanggang sa 9,000 na ektarya ang nasunog sa naitalang wildfire malapit sa nuclear power plant sa South Korea.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Bombo International News Correspondent Lester Javier mula sa nasabing bansa, nasa 150 na rin na bahay ang natupok ng sunog sa lugar na hanggang kahapon, Marso 5, ay hindi pa rin naapula.
Aniya, nasa 4,000 katao ang nagtulong-tulong upang apulahin ang apoy kasama na rito ang mga firefighter at volunteers.
Tugon ni Javier na mula nang magsimula ang sunog, unang tiniyak na hindi makakaabot sa nuclear power plant sa lugar ang apoy.
Tinitingnan na ang kasalukuyang klima sa bansa ang dahilan kung kaya mabilis na kumalat ang apoy.
Nabatid na winter sa South Korea kung saan tuyo ang mga kabundukan na sinabayan pa ng malakas na hangin.
Sa kabila nito, wala namang naitalang casualty sa insidente.
Samantala, madalas umano na magkaroon ng wildfire sa bansa ngunit ang naturang sunog ang maituturing na pinakamalalang wildfire na naitala sa South Korea.
Sa ngayon, patuloy na inaalam ang kabuuang pinsala ng sunog.