-- Advertisements --

Siyam na candidate vaccines para sa coronavirus ang ikinokonsidera ngayong maging bahagi ng COVAX Facility, na magbibigay ng pantay na access sa bakunang mapapatunayan na epektibo at ligtas kontra COVID-19.

Ayon sa World Health Organization, may 172 bansa nang nagpahayag ng interes na sumali sa naturang inisyatibo, at kasali rito ang Pilipinas.

Kabilang sa mga bakunang pinag-aaralan ngayon na isali sa nasabing pasilidad ay dinevelop ng: Inovio, Moderna, CureVac, Institut Pasteur, AstraZenica, University of Hong Kong, Novavax, Clover Biopharmeceuticals at University of Queensland.

Nasa iba’t-ibang antas na ng clinical trial ang mga ito sa ngayon. Kung may mapapatunayan sa kanilang epektibo laban sa COVID-19 virus, magbabahagi ng dalawang bilyong dose ang COVAX sa mga kasaling bansa.

Una raw itong gagamitin sa mga healthcare workers, bago i-expand sa vulnerable population, tulad ng matatanda at may pre-existing condition.

“The momentum we are witnessing behind this unprecedented global effort means there could be light at the end of the tunnel: A vaccine is our best route to ending the acute phase of the pandemic and the COVAX effort is the best way to get there,” ayon kay Dr. Seth Berkley, CEO ng Gavi, the Vaccine Alliance, ang nangangasiwa sa COVAX.

Una nang sinabi ng Department of Health ng Pilipinas na aprubado ng Inter-Agency Task Force ang pagsali ng estado sa inisyatibo.

“Basta pumasok ka dyan, mayroon ka siyempreng kailangang contribution for that, but definitely ang bawat country will be assured of 20 percent of their population na maaring mabigyan,” ani Health Usec. Maria Rosario Vergeire.