-- Advertisements --

CAGAYAN DE ORO CITY – Nasampahan ng kasong paglabag ng Republic Act 3019 o Graft and Corrupt Practices Act ang siyam na barangay executives dahil sa katiwalian sa Social Ameleoration Program (SAP) distribution sa Northern Mindanao.

Sa panayam ng Bombo Radyo, inihayag ni CIDG-Northern Mindanao regional director Col. Harold Ramos na pinakahuli nila na sampahan ng kaso sa piskyala ang punong barangay, mga kagawad nito, at isang sibilyan sa Mabunga, Baungon, Bukidnon.

Pinayagan kasi aniya ng kapitan na makakuha ng emergency cash subsidy ang kapatid ng kagawad kahit pa sa kabilang barangay ito nakatira at nakalista.

Sinabi ni Ramos na ilan pa sa kanilang mga kinasuhan na barangay officials ay nagmula sa Cagayan de Oro City, Misamis Oriental at Misamis Occidental.

Hawak na rin nila ang tambak na reklamo na mula sa ilang mga pamilya na hindi nakatanggap ng SAP laban sa ilan pang mga opisyal sa probinsya naman ng Camiguin at Lanao del Norte.