BOMBO DAGUPAN- Tinangay ng malakas na agos ng tubig sa isang baybayin sa bayan ng Dasol, Pangasinan ang isang 9- taong gulang na bata na naging sanhi ng pagkasawi nito.
Isinalaysay ni PCPT. Jesus Tambalo, ang officer in charge ng Dasol Municipal Police Station na base sa testimonya ng ina ng biktimang si John Vincent Vidal, residente ng brgy. Tambubong sa naturang bayan, nakagawian na umanong nagpupunta ang kaniyang anak kasama ang kababata at pinsan nitong 13 taong gulang, sa tabing baybayin upang maligo sa tuwing walang pasok kaya hindi niya inasahang mangyayari ang insidente.
Nagsimula umanong maglaro ang mga bata sa mga likod ng bahay papunta sa beach hanggang sa maisipang maligo at napansin na lamang na ang biktima ay natangay ng alon habang sila ay naliligo.
Nang mapansing hindi na umaahon ang biktima, dito na umano nagsimulang humingi ng tulong ang mga kasama nito. Mayroon namang mga concerned citizen na rumesponde ngunit hindi na nila nagawa pang maisalba ang buhay ng biktima.
Ayon pa kay Tambalo, agad namang nagpunta sa pinangyarihan ng insidente ang kanilang tropa nang matanggap ang balitang ito upang lapatan ng Cardiopulmonary resuscitation o CPR ang biktima sa tulong na rin ng mga emplyeado ng Department of Health at sinubukan pa itong isugod sa ospital ngunit idineklara nang dead on arrival.