-- Advertisements --

Ibabahagi umano ng US Department of Justice sa mga abogado ng mga biktimang nasawi sa 9/11 attack ang pangalan ng isa sa opisyal ng Saudi Arabia na itinuturong may kaugnayan sa nasabing pag-atake sa Estados Unidos.

Ito ay bilang tugon ng ahensya at Federal Bureau of Investigaton (FBI) sa 18 taon nang panawagan ng pamilya ng mga biktima na sabihin ang pangalan ng isa sa utak ng insidente.

Hindi naman nagbigay ng konkretong impormasyon ang Justice Department kung kailan nila isasapubliko ang nasabing pangalan ng isa sa mga tumulong sa miyembro ng al-Qaeda group upang gawin ang itinuturing ngayon na pinakamadilim na kasaysayan ng US.

Ang desisyong ito ay ginawa ni Attorney General William Barr upang siguraduhin na walang sikreto at maibubunyag ang pagkakakilanlan ng Saudi Arabian official.

Naiintindihan din daw nila ang kagustuhan ng mga naiwang pamilya na intindihin ang masaklap na nangyari sa kanilang mga minamahal sa buhay at mapanagot ang kung sino man na mapatutunayang guilty sa pag-atake.