Hindi na magdaragdag pa ng motorcycle taxis sa Metro Manila ayon sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
Paliwanag ni LTFRB Chair Teofilo Guadiz III ang 8,000 karagdagang slots sa ilalim ng nagpapatuloy na pilot study sa motorcycle taxis na ibibigay sa 4 na bagong transport network companies (TNCs) ay ilalaan para sa 4 na iba pang rehiyon sa labas ng Metro Manila.
Kung saan ang bawat kompaniya ay bibigyan ng tig-2000 slots.
Sa ngayon nasa proseso pa aniya ng pagsusuri ang ahensiya sa aplikasyon ng transport network companies.
Ang naturang direktiba ayon kay Guadiz na siyang tumatayong chair ng technical working group sa rollout ng MC taxis ay alinsunod sa direktiba ni Transportation Sec. Jaime Bautista at rekomendasyon ng House committee on Metro Manila development.
Una rito, ilang transport groups ang humiling sa mababang kapulungan ng Kongreso at DOTr na panatilihin ang cap sa MC taxis lots sa National Capital Region sa gitna ng pangamba na magpapalala ito sa mabigat na daloy ng trapiko sa rehiyon.
Sa kasalukuyan, mayroong 45,000 MC taxis ang inilaan noong nakalipas na administrasyon para sa Angkas, Joyride at Move It, ang 3 orihinal na proponents ng pilot study.
Subalit tanging nasa 23,000 lamang ang ginagamit ng nasabing mga MC taxis na mas mababa sa 65,000 maximum capacity sa Metro Manila.