-- Advertisements --

Nakapagtala ng kabuuang 87 paglabag ang mga awtoridad sa Quezon City sa unang araw ng pagpapatupad ng enhanced curfew hours at iba pang lokal na ordinansa, bilang bahagi ng “Safer Cities Initiative” ng Department of the Interior and Local Government (DILG) sa pangunguna ni DILG Secretary Juanito Victor “Jonvic” Remulla.

Batay sa ulat ng Quezon City Police District (QCPD), isinagawa ang pagpapatrolya sa iba’t ibang bahagi ng lungsod, na nagsimula sa Barangay Gulod sa Novaliches. Sa operasyon, 19 na menor de edad ang nahuling nasa lansangan kahit lampas na sa itinakdang curfew hours.

Agad na dinala sa barangay hall ang mga nahuling kabataan kasama ang kanilang mga magulang upang makipag-ugnayan sa mga social worker. Lumabas din sa imbestigasyon na ilan sa mga ito ay hindi residente ng lugar at pawang mula pa sa Las Piñas at Caloocan.

Samantala, 13 indibidwal naman ang nahuli sa Barangay Apolonio Samson at Manresa dahil sa paglabag sa ordinansa laban sa paglalakad sa lansangan nang walang pang-itaas, habang pito pa ang naaresto sa parehong lugar dahil sa curfew violations.

Sa kabuuan ng operasyon, 34 pang indibidwal ang nahaharap sa iba’t ibang traffic-related violations, habang may ilan ding nahuli sa bahagi ng Cubao dahil sa paglabag sa umiiral na mga ordinansa.

Ayon sa QCPD, bahagi ang mga operasyong ito ng pinaigting na kampanya ng lokal na pamahalaan upang ipatupad ang mga umiiral na batas at ordinansa, kabilang ang curfew hours, pagbabawal sa pag-inom ng alak sa pampublikong lugar, at iba pang regulasyon para sa kaayusan at kaligtasan ng komunidad.

Samantala, inisyuhan na ng violation tickets ang mga nahuling indibidwal, na maaaring humarap sa multang mula ₱1,000 hanggang ₱5,000, depende sa bigat ng kanilang paglabag.

Ilang mga menor de edad naman ang nananatili sa kustodiya ng barangay habang patuloy na kinukuha at nakikipagugnayan sa kanilang mga magulang o guardian.