Inamin ni Sen. Ronald dela Rosa na tuloy-tuloy na ang pakikipag-usap sa kanila ng kampo ni Sen. Cynthia Villar para sa nalalapit na pagpili ng susunod na Senate president.
Ayon kay Dela Rosa, sigurado na si Villar sa walong boto, mula sa kanilang panig.
Kabilang sa mga sumusuporta sa senadora sina Sens. Imee Marcos, Christopher “Bong” Go, Francis Tolentino, Dela Rosa, Robin Padilla, Bong Revilla at ang mag inang Cynthia at Mark Villar.
Posible pa umano itong madagdagan, dahil patuloy naman ang kanilang mga pag-uusap.
Una nang lumutang ang isyu ng term sharing sa pagitan nina Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri at Sen. Villar, ngunit wala pa itong malinaw na detalye.
Bukod sa kanila, lumitaw din sa mga pinagpipilian para sa Senate leadership sina Sens. Sherwin gatchalian at Francis “Chiz” Escudero.
Gayunman, wala pang mga lumalantad para suportahan sina Escudero at Gatchalian.