-- Advertisements --

Tuluyang na isinuspinde ang mga in-person class sa National University (NU) MOA campus ngayong umaga kasunod ng naitalang banta sa seguridad ng paaralan.

Pansamantalang ipinatupad ang remote synchronous learning para sa mga klase sa umaga upang matiyak ang kaligtasan ng mga mag-aaral at guro habang sinisiyasat ang insidente.

Ayon sa paunang ulat, nag-ugat ang suspensyon matapos makatanggap ang isang estudyante ng mga screenshot ng isang pag-uusap mula sa hindi pa nakikilalang mga indibidwal na naglalaman ng pambabanta sa paaralan.

Agad na nakipag-ugnayan ang pamunuan ng unibersidad sa pulisya, na kasalukuyan nang nagpapatupad ng beripikasyon at masusing imbestigasyon upang matukoy ang pinagmulan ng nasabing mensahe.

Tinatayang magpapatuloy at magbabalik ang mga onsite class at takdang pagsusulit o examinations simula ala-1:00 ng hapon, habang patuloy na binabantayan ng mga awtoridad ang kaligtasan sa buong paligid ng campus.