Reading Time: 1 minute
IMG 20190902 123125

Patong-patong na kaso ang isinampa ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Department of Justice (DoJ) laban sa dalawang pulis na sangkot umano sa pag-ambush noon sa mag-amang alkalde at bise alkalde ng Balaoan sa La Union.

Dalawang bilang ng kasong pagpatay ang isinampa ng NBI sa mga pulis na sinasabing kasabwat ng mga bumaril sa mag-ama.

Nakatakdang magsagawa mamaya ang NBI ng presscon para isapubliko ang pangalan ng mga pulis at ang status ng mga ito sa serbisyo.

Nobyembre 14 noong 2018 nang pagbabarilin ng mga suspek ang mag-ama at dead on arrival sa Balaoan District Hospital sina Vice-Mayor Alfred Concepcion at isa niyang tauhan na si Michael Ulep.

Sugatan din ang iba pa nilang mga tauhan na sina Roderick Urpiano, Ronniel Valdez, Joey Lopez, Dominador Bautista at Roberto Octavo.

Ligtas naman ang kanyang anak na si Mayor Aleli Concepcion na dinala sa Lorma Medical Center sa San Fernando, La Union.