GENERAL SANTOS CITY – Nasa ligtas nang kalagayan ang walong miyembro ng isang pamilya Malesido ng Glan, Sarangani Province, na nabiktima umano ng food poisoning.

Ito’y makaraang dumalo sa libing ng isang kaanak.

Ayon sa isa sa mga biktimang si Wiliam Malesido, apat sa kanilang pamilya ang isinugod sa pagamutan matapos makaranas ng grabeng sakit ng tiyan, pagsusuka at pagkahilo.

Pinaniniwalaang dahil ito sa kinain nilang ulam na karne ng baboy at baka mula sa libing, dahil wala naman umano silang ibang kinain maliban dito.

Ayon pa, isang oras matapos silang kumain ay saka sumama ang kanilang pakiramdam.

Habang posible rin umanong nilason sila dahil dayo lamang sila sa lugar, at ang kanilang pamilya lamang ang sumama ang pakiramdam.

Iniimbestigahan na ng mga otoridad ang nasabing insidente.