-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Malaki ang kumpiyansa ng Philippines national athletics team na masusungkit nila ang walo pang gintong medalya sa nagpapatuloy na Southeast Asian o SEA games.

Napag-alaman na sa darating na araw ng Biyernes at Sabado ay isasagawa ang track and field at marathon competition sa Tarlac City na isa sa mga venue ng prestihiyosong laro.

Ayon kay Eduardo “Vertek” Buenavista, dating SEA games gold medalist at kasalukuyang miyembro ng Armed Forces of the Philippines at coach ng Philippines national athletics team, ipinasisiguro nito na malaki ang pag-asang makakahakot pa ng gintong medalya at mapapanatili ng defending champion sa larangan ng marathon na si Mary Joy Tabal ang kaniyang record.

Dagdag pa ni Buenavista na sa ngayon, isinasailalim na sa sports conditioning ang mga atleta para sa nalalapit na laro.

Maliban dito, inaasahang makakapagbigay din ng gintong medalya ang mga atleta mula sa boxing.