Nananatiling nakaalerto ang 7th Infantry Division, Philippine Army kasunod ng nangyaring enkuwentro sa parte ng barangay San Fernando, Laur, Nueva Ecija.
Ayon kay Maj. Jimson Masangkay, Chief ng Division Public Affairs Office (DPAO), 7th Infantry Division ng Philippine Army, isang miyembro ng militar mula sa 84th Infantry Battalion, Philippine Army ang nasawi matapos makipag-engkuwentro ang mga ito sa mga membro ng Communist Terrorist Group.
Base pa sa impormasyon ay may mga nasugatan din sa nangyaring engkuwentro.
Samantala, binigyang diin nito na patuloy ang kanilang isinasagawang aksyon at aktibidad katuwang ang hanay ng kapulisan upang mapanatili ang kapayapaan at kaligtasan sa bansa.
Saad pa niya na sa ngayon ay kakaunti na lamang ang mga natitirang miyembro ng NPA.
Nabatid na gawain ng mga nabanggit na rebelde ang mang-abuso o mangharas ng mga inosenteng tao ngunit sinisiguro ng kanilang hanay na ginagawa ang lahat upang maiwasang muling mangyari ang kahalintulad na isidente.