CENTRAL MINDANAO – Nahuli ng mga otoridad ang isang lolo na umano’y miyembro ng New People’s Army (NPA) sa syudad ng Kidapawan.

Nakilala ang suspek na si Roberto Tubiano Asupra, alyas Tatay Cardo, 78, myembro ng Guerilla Front Committee-53 ng New People’s Army at residente ng Barangay Junction, Kidapawan City.

Ayon kay Cotabato Police Provincial director Colonel Henry Villar, inaresto ng mga pulis si Asupra sa kanyang bahay alinsunod sa warrant of arrest na inisyu ng Regional Trial Court (RTC-12) Branch 23 sa Kidapawan City.

Ang suspek ay sangkot umano sa roadside bombing noong Enero 28,2019 sa Purok Kabisig, Barangay Poblacion, Magpet, Cotabato kung saan nasawi si PO1 Christopher Anadon ng PNP Cotabato Mobile Force Company.

Matagal nang pinaghahanap ng mga otoridad si Asupra ngunit palipat-lipat ito ng lugar kaya hirap siyang mahuli.

Sa ngayon ay hawak na ng Matalam Cotabato PNP si Tatay Cardo dahil may kaso rin itong illegal possession of firearms.