Iniulat ng National Capital Region Police Office na umabot sa mahigit 700 mga indibidwal ang arestado ng kapulisan sa buong Metro Manila nang dahil pa rin sa naging paglabag ng mga ito ipinatupad na Commission on Election Gun Ban sa nakalipas na panahon ng Barangay at Sangguniang Kabataan Elections.
Sa datos na inilabas ng NCRPO, nasa kabuuang 763 na mga arestadong indibidwal ang kanilang naitala mula sa 29,518 na mga checkpoint operations na ikinasa nito sa buong Kamaynilaan mula noong Agosto 28, 2023 hanggang Nobyembre 29, 2023.
Bukod dito ay nasa kabuuang 508 na mga armas din ang nakumpiska ng kapulisan na kinabibilangan naman ng 215 short at long firearms, habang nasa 278 ang iba pang uri ng baril tulad ng “sumpak” at “paltik”.
Mayroon ding nakumpiskang 1,562 na mga deadly weapons ang mga otoridad na kinabibilangan ng 276 bladed/pointed weapons, tatlong explosives/improvised explosive devices , at 1,278 na ammunition.
Samantala, sa kabuuan ang nagsilbi namang Top Performing Police Regional Office ang NCRPO matapos ang accomplishment nito sa implementasyon ng COMELEC Gun Ban sa buong bansa.
Kaugnay nito ay nagpaabot naman ng pasasalamat si NCRPO chief PMGEN Jose Melencio Nartatez sa lahat ng mga partner agencies ng kanilang hanay nang dahil na rin sa kanilang naging ambag sa pagtataguyod sa kapayapaan at kaayusan sa kasagsagan ng BSKE 2023.