Nananatili pa ring nasa isolation ang 75 preso na mayroong mild na sintomas ng COVID-19 sa National Bilibid Prison (NBP) ayon sa Bureau of Corrections (BuCor).
Sa bilang na ito, nasa 15 ang senior citizen habang 2 Bilibid personnel naman ang nagpositibo sa birus kayat pumalo na sa 7 ang bilang ng personnel na dinapuan ng sakit.
Ayon kay BuCor health and Welfare and Services Director Dra. Maria Cecilia Villanueva, na-discharge na ang 13 persons deprived of liberty matapos magnegatibo ang resulta ng kanilang ikalawang rapid antigen test.
Ang mga ito ay unang batch ng nasuring positibo sa virus.
Saad pa ng BuCor official na wala ng iba pang naitala na COVID-19 cases sa iba pang mga piitan at penal farms.
Una rito, nitong araw ng Miyerkules, inanunsiyo ni BuCor Director General Gregorio Catapang Jr. na suspendido ang visiting hours sa NBP at Corrections Institute for Women bilang precautionary measure para mapigilan ang hawaan ng COVID-19.