-- Advertisements --

LA UNION – Natanggap na ng nasa 75 Overseas Filipino Workers (OFWs) ang P10,000 bawat isa bilang relief cash assistance ng gobyerno bunsod ng ipinatupad na temporary travel ban sa mainland China, Hong Kong at Macau.

Sa gitna pa rin ito ng banta ng 2019 novel coronavirus acute respiratory disease (n-cov ARD).

Kabuuang P750,000 ang naibigay na tulong pinansyal sa naturang 75 OFWs na balik manggagawa at newly hired sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Regional Office sa San Fernando City kahapon.

Sinabi sa Bombo Radyo La Union ni OWWA Region 1 Labor Communication Officer Geraldine Lucero, alinsunod ito sa naging direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte na tulungan ang mga manggagawa na naapektuhan ng travel ban.

Ayon pa kay Lucero, ito ang first batch ng mga Pinoy na nakatakda sanang magtungo sa nasabing mga bansa na karamihan ay household service workers ngunit hindi natuloy dahil sa travel ban.