-- Advertisements --

Kampante ngayon ang Commission on Elections (Comelec) na matatapos sa tamang oras ang pag-imprenta ng National Printing Office (NPO) ng mga balotang gagamitin sa May 9 national at local elections.

Sa isinagawang walkthrough kahapon sa NPO, sinabi ni Comelec Commissioner Marlon Casquejo, head ng printing committee ng komisyon na nasa 49 million na ang naimprentang balota.

Katumbas ito ng 74 percent ng mahigit 67 million official ballot na gagamitin sa halalan.

Nasa 73.3 percent na raw mula sa 13 rehiyon kabilang na ang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) at Cordillera Administrative Region (CAR) ang naimprenta na at halos lahat naman ay nasa 100 percent printed na maliban sa mga balotang gagamitin sa National Capital Region (NCR).

Sinabi ni Casquejo, na nasa 4,755,360 mula sa 7,289,791 na ang naimprentang balota na gagamitin sa Central Luzon.

Sa NCR, nasa kabuuang 7,322,361 na balota ang kailangang iimprenta ng NPO.

Ang mga manual ballots para sa local absentee voting (LAV) na 60,000 ay nakumpleto na rin umano.

Ang printing ng manual ballots para sa Office of Overseas Voting (OFOV) na may kabuuang 79,800 at karagdagang 145 Office of Overseas Voting manual ballots para sa Philippine Embassy sa Rabat sa Morocco ay natapos na rin.

Samantala, nasa kabuuang 86,280 ballots para sa 63 barangays sa North Cotabato na bahagi ng BARMM ay natapos na ring maimprenta.

Kung maalala, nagsimula ang pag-imprenta ng balota noong buwan ng Enero.