Karagdagang humigit kumulang 700,000 doses ng AstraZeneca COVID-19 vaccine na bigay ng Australia ang dumating sa Pilipinas kaninang umaga.
Lumapag sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 ang eroplanong lulan ang mga COVID-19 vaccines na ito bandang alas-9:45 ng umaga, ayon sa National Task Force Against COVID-19 .
Ang pagdating ng naturang mga bakuna ay nangyari ilang araw matapos na sinimulan ng pamahalaan ang pagtuturok ng COVID-19 booster shots sa mga senior citizens at mga taong mayroong comorbidities na nabakunahan anim na buwan ang nakararaan.
Una nang nagturok ang pamahalaan ng booster shots sa mga health workers.
Ang mga aprubadong booster shots para sa mga health workers ay ang single dose ng Pfizer, Sinovac, at AstraZeneca vaccines at kalahati ng regular dose ng Moderna vaccine.
Sa ngayon, mahigit 33.8 million Pilipino na ang fully vaccinated kontra COVID-19, habang 42.6 million naman ang naturukan ng first dose pa lang.
Nakatakdang magsagawa ang pamahalaan ng tatlong-araw na vaccination drive mula Nobyembre 29 hanggang Disyembre 1 na naglalayong makapagbakuna ng nasa 15 million Pilipino.